Nagbiro si US President Donald Trump na hindi pa siya target ng International Criminal Court (ICC), ngunit hindi isinasantabi ang posibilidad na maaari itong mangyari sa kaniya sa hinaharap.
Idineklara niya ito habang pinalalakas ng kaniyang administrasyon ang kampanya upang buwagin at i-boycott ang nasabing international tribunal.
Sa kaniyang pahayag sa naganap na cabinet meeting sa Camp David nitong Biyernes, local time, sinabi ni Trump na walang impormasyon na hinahabol siya ng ICC subalit maaari aniya itong mangyari, habang tumatawa ang mga miyembro ng kaniyang gabinete.
Sumabat si Trump sa talumpati ng kaniyang top diplomat na si Marco Rubio, habang iginigiit nito ang pagtutol ng Amerika sa korte, na hindi siya ipinagtatanggol nito kundi si Israeli Prime Minister Benjamin “Bibi” Netanyahu at iba pang lider laban sa pag-uusig ng korte.
Matatandaang naglabas ang ICC ng arrest warrant laban kay Netanyahu noong Nobyembre 2024 dahil sa mga giyera at alegasyon ng war crimes sa Gaza. Bagamat tulad ng Estados Unidos, hindi rin miyembro o signatory ang Israel sa Rome Statute na nagtatag sa ICC.
Kaugnay nito, naglunsad naman ang Trump administration ng malawakang opensiba laban sa ICC upang hilingin sa mga bansa na mag-withdraw sa institusyon.
Kinumpirma ni Secretary of State Marco Rubio na may limang bansa na ang nag-anunsyo ng planong kumalas sa korte, kabilang ang Chad at Venezuela kamakailan.
Ayon kay Rubio, ang ICC ay isang “illegitimate international organization.”
















