-- Advertisements --

Hindi nadaanan ang ilang kalsada sa Metro Manila matapos malubog sa baha nitong umaga, Agosto 19 kasunod ng mabibigat na pag-ulang dala ng habagat na pinalalakas ng Tropical Depression Neneng.

Base sa report ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) pasado alas-nwebe y medya ng umaga, hindi nadaanan ng light vehicles ang ilang kalsada sa Quezon City partikular na sa G. Araneta Avenue-Talayan northbound at southbound matapos umabot sa 13 pulgada o abot-kalahating gulong ang lalim ng tubig-baha sa kalsada.

Sa Valenzuela City naman, hindi rin passable para sa light vehicles ang MacArthur Highway sa harap ng Toyota/Goodyear matapos umabot sa 13 hanggang 14 na pulgada o abot-kalahating gulong ang lalim ng tubig-baha.

Ilang kalsada rin ang pansamantalang hindi nadaanan ng lahat ng uri ng mga sasakyan sa Malabon City kabilang na sa Gov. Pascual Avenue,Sitio 6, sa M.H. Del Pilar Street, Barangay Maysilo at Barangay Santulan, at sa Don Basilio Bautista, Barangay Hulong Duhat matapos umakyat sa sampung pulgada o abot-kalahating tuhod ang lalim ng tubig-baha sa mga nabanggit na kalsada.