-- Advertisements --

Lumobo na sa mahigit P3.5 billion ang halaga ng danyos sa sektor ng imprastruktura dahil sa pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyo at habagat, base sa datos ng Office of the Civil Derfense (OCD) nitong alas-6:00 ng umaga, Agosto 19.

Kabilang sa infrastructure damage ang daan-daang binahang lugar, kalsada, tulay at mahigit isang libong napinsalang kabahayan sa iba’t ibang rehiyon, kung saan 1,787 ang bahagyang nasira at 206 naman ang nawasak.

Tumaas din ang halaga ng danyos sa sektor ng agrikultura sa mahigit P1.4 billion.

Umakyat din sa mahigit 5.3 milyong indibidwal ang apektado na ng kalamidad sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Calabarzon, CAR, Metro Manila at Mimaropa.

Nakapagtala naman ng mahigit 42,000 indibidwal na inilikas patungo sa mga evacuation centers.

Sa ngayon, 27 na ang naitalang nasawi sa kalamidad habang patuloy na pinaghahanap ang isang napaulat na nawawala.

Ang Benguet ang may pinakamataas na bilang ng casualties na nasa 15 dahil sa mga insidente ng landslide sa La Trinidad, Baguio at Atok.

Ang iba sa mga nasawi ay narekober sa Rizal, Batangas, La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Negros Occidental at Caloocan.