Lumubo na sa 41 katao ang bilang ng mga nasawi dahil sa magkakasunod na kalamidad na naranasan ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kinabibilangan ito ng mga bagyong Luis, Maymay, Neneng, Obet, at Pilandok, at ang patuloy na umiiral na hanging habagat.
Malaking porsyento ng mga nasawi ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) na sinundan ng CALABARZON, Central Luzon, Ilocos, MIMAROPA, NCR at Negros Island Region.
Hindi naman isinasantabi ng konseho ang posibilidad na madadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi habang patuloy na pinaghahanap ang iba pang indibidwal na dati nang napaulat na missing.
Sa ngayon, tatlong indibidwal pa ang hindi natatagpuan.
Umabot na rin sa 18 indibidwal ang mga napaulat na nasugatan dahil sa masamang panahon habang nananatili naman sa tatlo ang bilang ng mga napaulat na nawawala.
Sa kabuuan, 609 na lugar sa buong bansa ang nananatiling lubog sa baha kung saan pinakamarami rito ay mula sa Central Luzon.
















