-- Advertisements --

Tinatayang 8,000 paaralan at 6 milyong estudyante sa buong bansa ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha dulot ng magkakasunod na bagyo at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Department of Education (DepEd).

Kabilang sa mga nagdulot ng malawakang pagbaha at landslide ang Tropical Cyclones Luis at Maymay, kasama ang pinalakas na Habagat.

Dahil dito, ilang lugar ang nagsuspinde ng klase nang ilang araw, kaya kinakailangan ng mga paaralan na bumawi sa mga nawalang araw ng pag-aaral.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na nasa 1/5 na ito ng kabuuang bilang ng mga paaralan sa bansa. Gayunman, hindi pa kumpleto ang mga ulat ng DepEd kaya maaari pang madagdagan ang bilang.

Ayon sa kalihim, nakapaloob na sa bagong three-term academic calendar ang sapat na panahon para mabawi ng mga estudyante ang mga araw na nawala dahil sa class suspensions.

Sa pinakahuling situational report ng DepEd, 217 paaralan pa rin ang ginagamit bilang evacuation centers para sa mahigit 6,400 pamilya.

Tinatayang P32.69 million naman ang kailangan para sa paglilinis at clearing operations sa 1,157 paaralan.

Bukod dito, nasa P192.86 million ang kinakailangang pondo para sa pagkukumpuni ng 3,936 paaralang napinsala.

Pinakamaraming naapektuhang paaralan ang naitala sa Ilocos Region, sinundan ng Central Luzon at Cordillera Administrative Region.