-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga bagong alegasyong inilahad ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban sa pamilya Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ni Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo A. Panelo Jr. na paulit-ulit lamang umano ang mga akusasyong ibinabato ni Trillanes laban sa mga Duterte.

Ayon kay Panelo, mula pa noong 2016 ay iniuugnay na umano ni Trillanes ang pamilya Duterte sa extrajudicial killings o EJKs, ilegal na droga, umano’y hindi maipaliwanag na yaman, korapsyon, at mga koneksyon sa China. 

Tinawag din ni Panelo na “media stunt” ang mga bagong inilabas na impormasyon ni Trillanes, habang iginiit na nananatiling kampante ang Bise Presidente sa mga ebidensyang ilalatag sa Senate Impeachment Court.

Dagdag pa niya, bahagi umano ng isang “well-funded effort” ng kasalukuyang administrasyon ang mga alegasyon upang siraan sa politika ang Bise Presidente. 

Samantala, nitong Biyernes ay nagsagawa ng press conference si Trillanes sa San Juan City kung saan iniharap niya ang ilang dokumento at testimonya na ayon sa kanya ay nag-uugnay kay Duterte, sa kanyang asawang si Manases Carpio, at iba pang miyembro ng pamilya Duterte sa umano’y mga aktibidad na may kaugnayan sa droga at korapsyon.

Patuloy namang nakipag-uugnayan ang Bombo Radyo Philippines sa panig ng Bise Presidente upang mahingi ang iba pang pahayag kaugnay sa mga alegasyon ni Trillanes.