-- Advertisements --

Nanindigan ang Malacañang na walang mali sa inilabas nitong impormasyon na inaprubahan ang travel authority ni Vice President Sara Duterte para sa Japan ngayong Agosto 19 hanggang 24, 2026.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, inaprubahan ng Office of the President ang travel authority noong Agosto 17, alas-12:41 ng tanghali. Gayunman, noong Agosto 18, alas-6:07 ng gabi, hiniling ng Office of the Vice President sa pamamagitan ni Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez na kanselahin ito.

Nauna nang sinabi ni VP Duterte na nagbago ang kaniyang travel plans at kinuwestiyon ang pagsasapubliko ng kaniyang schedule dahil maaari umano itong magdulot ng panganib sa kaniyang seguridad.

Pero ayon kay Castro, bilang public official, may karapatan ang publiko na malaman ang paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na’t umaabot umano sa P7 milyon ang gastos para sa security at staff ng bise presidente sa kaniyang mga biyahe.

Giit ni Castro, “deserve” ng mga Pilipino na malaman kung saan napupunta ang pampublikong pondo.