Kinumpirma ng Iran na ligtas ang kanilang Supreme Leader matapos ang isinagawang pag-atake ng Israel at Estados Unidos sa ilang bahagi ng bansa noong Sabado.
Ayon kay Foreign Minister Abbas Araghchi, buhay at nasa maayos na kalagayan ang Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei, gayundin ang iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa panayam, sinabi ni Araghchi na wala umanong balak ang Iran na atakihin ang mga bansang nasa Gulf region.
Gayunman, inamin niyang tinatarget ng Iran ang mga base militar ng Amerika bilang tugon sa mga pag-atake, na aniya’y bahagi ng kanilang karapatang ipagtanggol ang bansa.
Wala pa umanong direktang komunikasyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos sa kasalukuyan.
Subalit binigyang-diin ni Araghchi na bukas ang Iran sa pakikipag-usap upang mapababa ang tensyon kung nanaisin daw ng Amerika.
















