Inamin ni Senator Risa Hontiveros na isang malaking hamon at masakit na proseso para sa Senado bilang institusyon ang pagkakatukoy sa dalawa nilang kasamahan bilang mga co-perpetrator sa imbestigasyon ng “International Criminal Court” o ICC.
Ito ay matapos pormal na lumabas ang mga pangalan nina Senators Ronald Bato dela Rosa at Christopher Bong Go sa isinagawang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Hontiveros, walang magagawa ang Mataas na Kapulungan kundi harapin ang sitwasyon.
“Sabi ko nga dati, mahirap man at masakit man itong proseso sa Senado bilang institusyon. kailangan naming harapin, kasi fact na sinabi talaga hanggang kahapon. So wala kaming kawala kundi harapin ito nang buo at saka nang tama,” pag-amin ng senadora.
Samantala, inilarawan din ng mambabatas ang araw ng pagdinig ng ICC bilang makasaysayan dahil nataon ito sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
“Parang isang bagong yugto, bagong mukha ng tuloy-tuloy na pagpapahayag ng kapangyarihan ng mamamayan,” dagdag pa ni Hontiveros.










