-- Advertisements --

Nahaharap si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa isang ethics complaint matapos umano’y hindi dumalo sa mga sesyon ng Senado nang mahigit tatlong buwan.

Naghain ng pormal na reklamo ang anti-corruption group na “Wag Kang KuCorrupt” sa Senate Committee on Ethics and Privileges.

Iginiit nilang ang matagal na hindi pagpasok ng isang nakaupong senador ay maituturing na “dereliction of duty” at pag-abuso sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko.

Ayon sa grupo, hindi katanggap-tanggap na patuloy na tumanggap ng kompensasyon mula sa kaban ng bayan ang isang opisyal ng gobyerno kung hindi naman ginagampanan ang kaniyang mandato.

Ipinahayag din ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na magsasampa rin siya ng ethics complaint laban kay Dela Rosa dahil sa matagal na hindi pagdalo sa Senado.

Samantala, sa kanyang ika-64 na kaarawan noong Enero 2026, naglabas siya ng mensahe na siya ay “alive and well” at naghihintay ng “true justice.”

Tinuligsa rin niya ang umano’y “fake, foreign meddling” kaugnay ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ayon sa mga ulat, tatalakayin ng Senate Committee on Ethics and Privileges sa susunod na linggo ang reklamo laban kay Dela Rosa upang matukoy kung may sapat na batayan para sa mas malalim na imbestigasyon.

Matatandaang hindi na nakikita ng publiko si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na siya ay iniimbestigahan ng ICC.

Ang kaniyang prolonged absence ay nagdulot ng pangamba sa ilang sektor na maaaring maapektuhan ang integridad ng Senado at ang tiwala ng publiko sa mga halal na opisyal.