-- Advertisements --

Pormal nang ipinaalam ng Venezuela sa United Nations ang kanilang desisyon na tuluyang kumalas sa International Criminal Court (ICC), na umano’y may “geographical bias” laban sa mga bansa sa Global South, partikular sa Africa at Latin America.

Ayon sa Foreign Minister Felix Plasencia, ang hakbang ay “irrevocable” at bahagi ng pagtutol ng pamahalaan sa imbestigasyon ng ICC kaugnay ng mga krimen laban sa sangkatauhan na sinasabing ginawa ng mga opisyal at kasapi ng militar ng Venezuela mula pa noong 2017.

Sinabi ni Acting President Delcy Rodriguez na ang ICC ay naging politikal na instrumento upang atakehin ang estado at mamamayang Venezuelan, kaya’t hindi na sila naniniwala sa naturang institusyon.

Matatandaang noong Disyembre 2025, bumoto ang National Assembly ng Venezuela na bawiin ang batas na nagratipika sa Rome Statute, na nagbigay-daan sa pormal na pag-alis sa ICC.

Kasabay ng desisyon, tinanggal din ng mga miyembrong estado ng ICC si Prosecutor Karim Khan matapos akusahan ng sexual misconduct, bagay na itinanggi niya.

Ang pag-alis ng Venezuela sa ICC ay naganap sa gitna ng transisyong pampulitika matapos maalis sa kapangyarihan si Nicolas Maduro, at sa ilalim ng pamumuno ni Rodriguez na malapit na kaalyado ng administrasyong Trump.