Ipinahayag ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na kanyang ipinatigil na ang mga kasong isinampa laban sa apat na dating sundalo matapos bawiin ng mga ito ang kanilang naunang affidavits at alegasyon laban sa kanya, sa International Criminal Court (ICC), at sa iba pang personalidad.
Ayon kay Trillanes, bilang dating sundalo ay nakikisimpatiya siya sa kalagayan ng mga ito na umano’y pinagsamantalahan dahil sa kawalan ng kabuhayan ng mga taong may madilim na layuning politikal.
Aniya, umaasa siyang magsilbing mabigat na leksyon ang kanilang pinagdaanan upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon.
Dagdag pa niya, naniniwala siyang may iba pang dating sundalo na hanggang ngayon ay nalilinlang pa rin ng mga kaparehong grupo.
Binigyang-diin ni Trillanes na ang kanyang desisyon ay isang hakbang upang ipakita ang malasakit sa kapwa sundalo na dumaraan sa matinding pagsubok.
Umaasa rin siya na sa kalaunan ay magbubukas ang isipan ng iba pang former soldiers at makikita ang tunay na motibo sa likod ng mga panlilinlang.
















