Ikinokonsidera ng mga mambabatas ang testimonya ni Ramil Madriaga, na sinasabing dating civil intelligence agent ni Vice President Sara Duterte at ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang posibleng basehan ng bagong impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, hinihintay ng complainants ang desisyon ng Korte Suprema sa apela laban sa naunang ruling na nagbasura sa impeachment laban sa Pangalawang Pangulo dahil sa one-year ban rule.
Kung irekonsidera ito ng Korte Suprema, tutuloy aniya ang trial sa Senado, bilang impeachment court, ngunit kung walang desisyon hanggang Pebrero, posibleng muling magsampa ng reklamo.
Mananatiling sentro ng posibleng bagong reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds, kasama ang mga alegasyon ni Madriaga na pondong mula umano sa drug dealers at POGO na ginamit umano sa kampanya ni VP Sara noong 2022.
Matatandaan, noong 2025, 215 kongresista ang sumuporta sa impeachment laban kay VP Sara
Kumpiyansa naman si Tinio na maaari pa ring makuha ang one-third support kung muling ihahain ang reklamo.
Nauna nang itinanggi ng Bise Presidente ang mga bagong pahayag ng impeachment at sinabing ginagamit lamang umano ito bilang bargaining chip kaugnay ng 2026 national budget.
















