-- Advertisements --

Nanindigan ang grupong Duterte Panagutin Network na malinaw ang kahulugan ng terminolohiyang neutralize sa ilalim ng madugong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa convenor ng grupo na si Atty. Jojo Lacanilao, nilinaw na ng prosecution team ang tunay na kahulugan ng neutralize, na tumutukoy sa pagpatay, batay sa resulta ng serye ng police operations noong nakalipas na administrasyon.

Nagawa umano ng panel na ipresenta ang ilang dokumento kung saan nakasaad ang summary ng mga naturang operasyon, at ipinapakita rito na ang mga nasawi ay tinutukoy bilang neutralized under police operations.

May mga petsa ring nakalagay sa mga dokumentong ito.

Ito ay taliwas sa iginigiit ng defense team ng dating pangulo na ang salitang neutralize ay hindi nangangahulugang “patayin,” kundi simpleng pagtukoy sa mga illegal drugs personalities.

Giit ni Lacanilao, napatunayan na ng prosecution ang tunay na kahulugan ng naturang termino, ngunit patuloy itong tinatanggihan ng depensa, gaya ng naging presentasyon ng lead legal counsel na si Nicholas Kaufman sa nagpapatuloy na confirmation of charges hearing ng dating pangulo.