-- Advertisements --

Hinamon ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na maglabas ng kongkretong ebidensya at huwag umasa sa simpleng larawan lamang upang patunayang kaniya ang isang resort sa Samal.

Mariing binatikos ni Duterte ang opisyal sa paggamit umano sa NBI para sa “trial by publicity” at ipinaalala sa kaniya na elementarya para sa isang imbestigador ang pagkakaiba ng larawan sa tunay na ebidensya ng pagmamay-ari.

Ipinunto rin ng solon ang mga nakaraang isyu ng korapsyon na ibinato laban kay Matibag noong administrasyon ng kaniyang ama at hinimok ang director na busisiin din ang sinasabing mga “ghost project” sa distrito ng asawa nitong si Laguna Rep. Ann Matibag.

Isinagawa ni Duterte ang pahayag sa gitna ng patuloy na imbestigasyon ng NBI sa mga umano’y iregularidad at edited na larawan sa mga proyekto sa flood control sa Rehiyon ng Davao na nakatakdang irefer sa Office of the Ombudsman.

Nanawagan ang kinatawan na tiyaking may sapat at beripikadong ebidensya ang bawat akusasyon upang tuluyang mangibabaw ang katotohanan sa halip na magpakalat ng mga hinala lamang.

Inihayag ni Duterte na handa siyang harapin ang anumang patas na proseso ngunit dapat ding itama ng NBI ang kanilang mga pahayag kung wala naman silang maipipresentang matibay na patunay.