Iginiit ni ACT Teachers Partylist Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio na may malinaw at sapat na batayan ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng Confidential Funds (CF).
Sa pagdinig ng impeachment ngayong araw, sinabi ni Tinio na noong July 2022 ay humiling umano si Duterte ng Confidential Funds kahit walang nakalaang ganitong pondo para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sinabi ni Tinio na nagmula ang P125 milyon sa discretionary fund ng Pangulo at naubos umano ito sa loob lamang ng 11 araw.
Naglabas din aniya ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance para sa P73 milyon, habang umabot sa P612.5 milyon ang kabuuang CF ng OVP at DepEd na kinukuwestiyon mula 2022 hanggang 2023.
Binanggit din niya ang umano’y mga kuwestiyonableng dokumento at resibo, kabilang ang pangalang “Mary Grace Piattos.”
Ayon kay Tinio, maaaring ma-impeach ang Pangalawang Pangulo dahil sa betrayal of public trust, gross abuse of discretionary powers, kawalan ng transparency, at pagbalewala umano sa oversight powers ng Kongreso.
Binigyang-diin ni Tinio na hindi pulitika kundi pananagutan ang usapin, at ang pampublikong posisyon ay isang pampublikong tiwala na dapat panagutan.










