-- Advertisements --

Nilinaw ng DOH na Hindi nakaaalarma ang tinatawag na “super flu,” kahit may bagong variant na naiuulat sa ibang bansa. Ayon kaya Department of Health Secretary Ted Herbosa na wala namang indikasyon sa ngayon na nagdudulot ito ng malubhang banta sa kalusugan ng publiko sa Pilipinas.

Gayunman, pinaalalahanan ng DOH ang mga Pilipinong magbibiyahe patungo sa mga winter countries gaya ng North America at United Kingdom, kung saan may naiulat na pagkalat ng naturang flu variant. 

Payo ni Herbosa sa mga biyahero na maging maalam at maghanda, partikular sa usapin ng pagbabakuna.

Sinabi ng kalihim na mas mainam na magpabakuna ng northern hemisphere flu vaccine ang mga pupunta sa malamig na lugar, dahil ito ang mas angkop na proteksyon laban sa mga strain na karaniwang kumakalat sa mga bansang may taglamig. 

Binigyang-diin din niya na hindi ang southern hemisphere vaccine ang dapat kunin ng mga bibiyahe pa-hilagang bahagi ng mundo.

Kinumpirma ng DOH, na-detect na sa Pilipinas ang kumalakat na Super flu cases na naiulat sa United Kingdom at Estados Unidos. 

Gayunpaman, ayon sa Department of Health (DOH) recovered o gumaling na ang 17 kaso na ito na naitala sa bansa, partikular sa Metro Manila. 

Hinimok naman ni Kalihim ang publiko na magpa bakuna ng flu vaccine.

Siniguro ni Herbosa na patuloy ang monitoring ng DOH sa sitwasyon ng influenza variants sa ibang bansa at handa ang ahensya na maglabas ng karagdagang abiso kung kinakailangan. 

Hinikayat din ang publiko na sundin ang basic health measures tulad ng pagpapanatili ng kalinisan, pag-iwas sa may sakit, at agarang pagpapakonsulta kung makaranas ng sintomas ng trangkaso, lalo na matapos bumiyahe.