-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pag-aalala si Senate Foreign Relations Committee Chairperson Erwin Tulfo, sa tumitinding tensyon sa Middle East matapos ang pag-atake ng Etados Unidos at Israel sa Iran at ang kasunod na pag-ganti ng Iran sa pamamagitan ng pagpapakawala ng mga missiles at drones laban sa Israel at mga base ng US sa rehiyon.

Sa isang pahayag sinabi ni Tulfo na ang lumalalang sigalot ay naglalagay sa alanganin ng kaligtasan ng mga sibilayan, kabilang ang libo-libong Pilipino na nagtatrabaho at naninirahan sa Middle East.

Dagdag pa ng senador, naghahanda na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtiyak na may mga exit point para sa posibleng paglikas ng mga Pilipino mula sa Iran at Israel. Aniya, nakaantabay ang mga opisyal ng embahada upang umalalay sa mga Pilipino sa mga apektadong bansa.

Samanatala, nanawagan naman si Senate Finance Committee chairperson Sherwin Gatchalian sa Department of Migrant Workers (DMW) na maghanda sa posibleng pagpapauwi ng overseas Filipino Workers (OFWs)

Kasunod nito, binanggit ni Gatchalian ang P2-bilyon pondo para sa Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund ng DMW na ginagamit para sa agarang tulong at pagpapauwi ng mga OFW na nasa panganib. Aniya, prayoridad ang kaligtasan ng mga OFW kung kaya’t dapat maging handa ang pamahalaan sa posibleng pagpapauwi sa mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa mga apektadong bansa.

Sa kabila ng lumalalang sigalot sa Gitna Silangan, nanawagan ang mga senador , sa mga Pilipino sa apektadong bansa na agad makipag-ugnayan sa kani-kanilang embahada ng Pilipinas upang matiyak ang agarang tulong kung kinakailangan. Gayundin sa pamahalaan ng kahandaan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino sa rehiyon.