Nagbigay ng babala ang Iran’s Revolutionary Guards na hindi papayagang makadaan ang anumang barko sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa buong mundo.
Ayon sa ulat mula sa European Union naval mission Aspides, ipinadala ng mga Iranian forces ang mensahe sa pamamagitan ng VHF transmissions na nagsasabing “no ship is allowed to pass the Strait of Hormuz.”
Ang Strait of Hormuz ay kritikal na daanan para sa mga pangunahing Gulf oil producers gaya ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, at United Arab Emirates, na nag-uugnay sa kanilang mga produkto patungo sa Gulf of Oman at Arabian Sea.
Dahil sa babalang ito, ilang tanker at cargo vessels ang nagsimula nang umiwas sa ruta, na nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang merkado ng langis.
Kasabay ng tumitinding tensyon sa rehiyon matapos ang mga pag-atake ng US at Israel sa Iran, nakikitang bahagi ang hakbang na ito ng mas malawak na estratehiya ng Tehran upang ipakita ang kapangyarihan nito sa rehiyon.
Ayon sa mga eksperto, ang posibleng pagsasara ng Strait of Hormuz ay magdudulot ng malaking epekto sa supply ng langis at sa ekonomiya ng maraming bansa, lalo na sa mga umaasa sa daloy ng enerhiya mula sa Middle East.
Hanggang ngayon, hindi pa opisyal na kinukumpirma ng pamahalaan ng Iran ang naturang kautusan, ngunit nananatiling alerto ang mga bansa at shipping companies sa posibleng paglala ng sitwasyon.
Ang babala ng Revolutionary Guards ay nakikitang dagdag na indikasyon ng tumitinding panganib sa rehiyon, na maaaring magdulot ng mas malawak na krisis sa pandaigdigang kalakalan at seguridad.
















