Iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na walang Pilipinong naiulat na nasawi o nasaktan sa ikinasang joint combat operations sa pagitan ng US at Israel laban sa Iran.
Ito ay sa kabila ng ulat na nasawi sa airstrike ang Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei.
Sa isang video message, nagbigay ng pahayag si Pangulong Marcos tungkol sa tumitinding tensyon sa Middle East matapos bombahin ng Israel at Amerika ang Iran, at gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga base ng Amerika sa United Arab Emirates, Bahrain, Oman, at Israel.
Dahil dito, ayon sa Pangulo, agad nag-monitor ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga embahada at labor attaché sa rehiyon upang tiyakin ang kalagayan ng mga Pilipino roon.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na as of 9:00 ng umaga ngayong Linggo, Pilipinong namatay o nasaktan sa mga naganap na pag-atake.
Sinabi rin ng Pangulo na karamihan sa mga Pilipino ay nasa ligtas na lugar.
Iniiwasan din ng mga Pilipino ang mga lugar malapit sa mga military base ng Amerika.
Samantala, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na ipatupad ang lahat ng contingency plans para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan kasunod ng mga ulat ng airstrikes sa Iran.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng Pangulo na “paramount” o pinakamahalaga ang seguridad ng mga kababayan natin sa rehiyon.
Ayon naman kay DFA Secretary Maria Theresa Lazaro, nasa “full alert” na ang mga embahada ng Pilipinas sa Tehran at Tel Aviv, gayundin sa mga bansa sa Gulf Cooperation Council (GCC) kung saan marami ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Kinumpirma ng DFA na sa kasalukuyan ay wala pang iniuulat na Pilipinong nasaktan o direktang naapektuhan ng mga pagsabog.
Gayunpaman, mahigpit ang paalala ng pamahalaan sa mga Pinoy sa naturang mga lugar na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at iwasan ang mga pampublikong lugar habang mainit ang sitwasyon.
Nakiisa rin ang Pilipinas sa panawagan ng United Nations para sa agarang diyalogo at negosasyon upang mapigilan ang lalong paglala ng tensyon sa pagitan ng Israel, Amerika, at Iran.
















