-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sinadya ang maagang pag-anunsyo ng kandidatura ni Vice President Sara Duterte para sa presidential election 2028 kung saan, tatakbo siya bilang pangulo ng Pilipinas.

Ito ang naging pananaw ni former Magdalo partylist representative Gary Alejano kung saan maituring aniya ito bilang panangga sa mga akusasyon na ibinabato laban sa bise presidente.

Isa na rito ang impeachment complaint kung saan, maaari aniyang magdalawang isip ang kongreso hanggang sa senado sakaling tatalakayin na ang nasabing reklamo.

Dagdag pa ni Alejano, hindi na bago sa larangan ng pulitika ang ganitong estratehiya ngunit kakaiba lamang para sa mga Duterte dahil sa kanilang mga plano upang matiyak ang kanilang tagumpay at may kasama pang banta sa mga nanggipit sa kanila.

Kahit malayo pa ang eleksyon, pinag-usapan na ang posibleng maging ka-tandem ni Sara at ang magiging kalaban nito ngunit nitong huli ay kinumpirma ng bise presidente na may na-recruit na siyang ka-tandem sa darating na eleksyon.

Sa pag-anunsyo ng kandidatura ni Duterte, hindi maiwasan na may matabunan nanamang malaking isyu dahil sa naglabasan ang iba’t ibang reaksyon mula sa miyembro ng pulitika, civil organization, asosasyon at maging sa mga sibilyan.