-- Advertisements --

Naniniwala si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na maaaring gawing modelo ng mga susunod na reporma sa Kamara ang isinagawang nationwide consultations kaugnay ng panukalang Anti-Political Dynasty Act.

Ayon kay Speaker Dy, ang mga regional hearing sa Cavite, Cebu at Cagayan de Oro na pinangunahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ay patunay na maaaring ilapit sa taumbayan ang proseso ng paggawa ng batas.

Aniya, ang naging karanasan sa mga konsultasyon ay maaaring magsilbing template sa pagtalakay ng iba pang mahahalagang panukala sa hinaharap.

Sa kasalukuyan, kino-consolidate na ng Komite ang 24 na panukalang batas laban sa political dynasty, kabilang ang House Bill No. 6771 na inakda nina Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, upang makabuo ng iisang substitute bill.

Binigyang-diin ni Speaker Dy na ang malawak na konsultasyon ay nagpapalakas sa batas at sa tiwala ng publiko. 

Aniya, kung tunay na layunin ang people-centered governance, dapat maging bahagi ng kultura ng pamamahala ang pakikinig at pakikipag-ugnayan sa mamamayan mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Dagdag pa niya, maaari pang isagawa ang katulad na regional consultations para sa iba pang prayoridad na panukala ng Kamara.