Binatikos ni Kalookan Archbishop Cardinal Pablo Virgilio David si Senate President Alan Peter Cayetano matapos nitong ikonekta bilang “pro-life” ang madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Nag-ugat ang reaksiyon ng kardinal sa post ng senador noong nakaraang linggo kung saan tinawag niyang isang kampanya para sa human rights at pro-life ang naturang drug war.
Tanong ni Cardinal David, paano ito masasabi ng senador sa harapan ng libu-libong biyuda at naulilang bata na nawalan ng mahal sa buhay nang walang legal na proseso.
Dagdag pa ng kardinal, hindi lamang binaril ang mga biktima; marami ang dinukot, tinortyur, at iniwan sa kalsada na balot ng plastic bag ang ulo at balot ng packaging tape ang leeg.
Babala pa ni David, may seryosong implikasyon sa international law ang pahayag ng senador. Aniya, ang mga pahayag na nagpapakitang lehitimo ang mga extrajudicial killing (EJK) ay hindi sakop ng proteksiyon para sa malayang pamamahayag.
Maaari pa itong ituring na pag-udyok o pagtulong (aiding and abetting) sa crimes against humanity sa ilalim ng Article 25 ng Rome Statute.
Si Cardinal David ay isang bokal na kritiko ng war on drugs ng Duterte administration.
















