-- Advertisements --

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief General Melencio Nartatez Jr. sa mga senador hinggil sa mga legal na kahihinatnan sakaling mapatunayang tinutulungan nila si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magtago sa batas.

Ito ang naging pahayag ng pinuno ng pambansang pulisya nang tanungin kung ano ang magiging aksyon ng PNP kung mapatunayang may mga mambabatas na kumukupkop o tumutulong kay Dela Rosa para makaiwas sa mga awtoridad.

Nang tiyakin kung ang tinutukoy niyang mga mambabatas ay ang mga kasamahan ni Dela Rosa sa Majority Bloc, sumagot ng “oo” ang hepe.

Idinagdag niya na ipinasa na nila ang mga resulta ng imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ) para sa pagsusuri ng mga piskal, habang ang PNP naman ang nangangalap ng mga karagdagang ebidensya.

Matatandaang naghain na ng reklamong obstruction of justice ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Senador Robin Padilla at limang iba pang indibidwal. Ito ay kaugnay ng umano’y pagtakas ni Dela Rosa mula sa gusali ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.

Ayon pa sa CIDG, hindi malayong madagdagan ang mga pangalang madadamay sa kaso depende sa lalabas na resulta ng kanilang patuloy na imbestigasyon.