Inakusahan ni Senate President Alan Peter Cayetano na tinatakot umano ang ilang miyembro ng Senate majority mula sa administrasyong Marcos upang mapilitan silang lumipat sa minority at makabuo ng panibagong liderato sa Senado.
Ayon sa live stream post ni Cayetano nitong Biyernes, Mayo 29, ilalabas ng mga senador ang ebidensya ng umano’y pananakot upang mapigilan ang pagbuo ng isang “independent Senate.”
“Wala kaming problema kung sa korte ay patunayan na sila ay guilty o hindi. Ang problema po namin yung gagamitin yung threat na pag lumipat ka dito, wala ka nang kaso. ‘Pag diyan ka, tutuluyan ka namin,” pahayag ni Cayetano.
Giit niya, may mga alegasyon umano na pinipilit ang ilang mambabatas na lumipat ng grupo kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso, habang ang mga hindi lilipat ay kakasuhan.
“Paulit-ulit sinasabing magulo ang Senate— hindi po. In this administration since 2022, it’s the first time po na nagkaroon ng majority at Senate president… na wala pong kamay ang Malacañang sa pagpili ng Senate president at ng mga komite,” wika pa ni Cayetano.
Samantala, mula sa Tokyo, sinagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na tanging ang kasalukuyang Senate leadership lamang ang walang basbas ng Malacañang.
“Malacañang does not give a rubber stamp to the Senate President. The Senate President is decided by the senators themselves,” sabi ng Pangulo.
“Is he implying that somehow I choose the Senate President? Ask me as a former senator, and I will laugh in your face,” dagdag niya.
Sa gitna ng mga isyu sa Senado, ilang miyembro ng majority bloc ang nahaharap sa mga kasong kriminal. Kabilang dito si Sen. Jinggoy Estrada na kinasuhan ng plunder at graft kaugnay ng umano’y P573 million anomalya sa insertions at kickbacks. Nakapagpiyansa siya ng P90,000 para sa kasong graft.
Ayon sa Office of the Ombudsman, susunod na kakasuhan si acting majority leader Joel Villanueva sa korte, habang may mga reklamong plunder din na kinakaharap sina Sen. Francis Escudero at Rodante Marcoleta. Mariin namang itinatanggi ng mga senador ang mga paratang.















