Iginiit ni Senator Imee Marcos na pinupunterya umano ang kasalukuyang 13-miyembro ng Senate majority bloc dahil sa sunod-sunod na “case buildup” at mga kasong inihahanda laban sa kanila hanay.
Ayon kay Marcos, may mga natatangap umano silang tawag at text message sa mga taga Ombudsman, Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na mayroong case buildup na isinasagawa laban sa kanila at umano’y may mga naguutos sa ahensya na hindi naman pinangalanan ng Senadora.
Kaugnay nito, ipinunto ni Marcos na tila sunod-sunod at pabigat nang pabigat umano ang mga kasong iniuugnay sa kanilang grupo.
Binanggit niya sina Senators Rodante Marcoleta, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Chiz Esudero at magkapatid na sina Senators Camille Villar at Mark Villar bilang ilan sa umano’y nahaharap o iniuugnay sa mga reklamo.
Gayundin ang kaso ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y pagkakasagkot sa war on drugs ng adimistrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Senator Bong Go naman aniya ay maaring maharap din sa parehong kaso matapos din na mapangalanang co-perpetrators ni Duterte.
Ayon kay Marcos, hindi umano niya malaman kung pamumulitika o panggigipit ba ang ginagawa sa kanilang grupo.
Dahil dito, kinuwestyon din ni Marcos kung bakit mas matindi umano sa ngayon ang tensyon at bangayan sa Senado kumpara noong dating pagpapalit ng liderato.
Aniya, noong matalo ang kanilang grupo sa nakaraang pagpapalit ng liderato kung saan si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang nakaupo sa pwesto, hindi umano sila nagreklamo kahit hindi naman nila ito suportado.
Sa huli, sinabi ng senadora na umaasa siyang hindi matutuloy ang anumang umano’y “persecution” laban sa kanilang grupo lalo na sa gitna ng kinakaharap na mga suliranin ng bansa.















