-- Advertisements --

Naniniwala si 1Sambayan Coalition Co-Convenor Atty. Howard Calleja na hindi politically motivated ang paghahain ng mga kaso laban sa ilang senador na kasalukuyang miyembro ng Senate majority bloc.

Maaalalang lumabas na ang warrant of arrest laban kay Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kinakaharap na kasong plunder mula sa Sandiganbayan at sa kasalukuyan ay nakakulong na siya sa isang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Quezon City.

Kasalukuyan ding iniimbestigahan ang iba pang mga senador tulad nina Sen. Joel Villanueva at Sen. Chiz Escudero, na parehong isinasangkot sa nabunyag na korapsyon sa mga flood control project.

Ayon kay Atty. Calleja, pawang napangalanan ang mga naturang senador sa mga serye ng imbestigasyon ng Kongreso (House at Senate) at ng Ombudsman na umano’y nakinabang sa mga kickback mula sa mga maanomalyang proyekto.

Ang mga kasong binubuo at naisampa laban sa kanila aniya, ay hindi usaping pampulitika kundi usapin ng pananagutan, dahil sa bulto ng ebidensiyang nalikom sa mga serye ng pagdinig.

Ayon pa kay Atty. Caleja, ginagamit lamang ng mga akusado ang isyu ng pulitika upang mailihis ang atensyon ng publiko mula sa mga alegasyon ng katiwalian at sa tunay na isyung dapat pagtuunan ng pansin.

Kaugnay naman ng alegasyong may ‘case build-up’ laban sa majority bloc, sinabi ni Calleja na nagkataon lamang na halos magkakasabay na naihain ang mga reklamo.

Aniya, matagal nang inihahanda ang mga kasong ito bilang tugon sa panawagan ng publiko para sa pananagutan kaugnay ng umano’y mga anomalya sa mga flood control projects.