Nagpasalamat si Senator Francis “Chiz” Escudero kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa agarang paglagda sa Republic Act No. 12326, na nagtatakda ng limang-taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Bilang pangunahing may-akda ng panukala sa Senado, sinabi ni Escudero na layunin ng batas na magkaroon ng mas malinaw at mas maayos na siklo ng pamamahala sa barangay. Aniya, ang mas mahabang termino ay magbibigay sa mga opisyal ng sapat na panahon upang magplano, magpatupad, at magsuri ng kanilang mga programa at serbisyo nang hindi naaantala ng madalas na halalan.
Binigyang-diin din ni Escudero ang mahalagang papel ng barangay bilang frontliner ng pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Sa ilalim ng bagong batas, ililipat sa Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Nagpasalamat din ang Senador sa mga kasamahan sa Senado at House of Representatives sa kanilang suporta sa pagpasa ng nasabing reporma.
















