Mariing itinanggi ni dating AnaKalusugan Rep. Mike Defensor na humingi o tumanggap siya ng anumang pabor kapalit ng donasyong ibinigay niya sa kampanya ni Senador Rodante Marcoleta noong 2025 midterm elections.
Ayon kay Defensor, hindi maaaring ituring na plunder ang naturang campaign donation dahil wala umano itong kaugnayan sa paglustay ng pondo ng gobyerno o anumang kapalit na pabor.
“’Yun yung campaign donation na dinismiss na ng Comelec. Ang plunder, kailangan ng pondo ng gobyerno, ninakaw natin, o ‘di kaya may ibinigay na pera pagkatapos may kapalit. Eh wala namang kapalit, wala namang hiningi,” ani Defensor.
Nahaharap sina Marcoleta, Defensor, at dalawa pang iba sa reklamong plunder at indirect bribery na isinampa ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 million campaign donation.
Noong Martes, naglabas naman ang Sandiganbayan Seventh Division ng precautionary hold departure order laban sa mga respondent upang pigilan silang makaalis ng bansa habang dinidinig ang kaso.
















