-- Advertisements --

Inanunsyo ni Senate President Alan Peter Cayetano na ipagpapatuloy ng Senado sa susunod na linggo ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.

Sinabi ni SP Cayetano na bumuo ang mayorya ng isang Blue Ribbon subcommittee na pamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta upang magsagawa ng panibagong pagdinig sa mga proyektong sinasabing nagkakahalaga ng bilyong piso.

Ayon kay Cayetano, target simulan ang mga pagdinig sa Hunyo 4 at tiniyak niyang magiging patas ang imbestigasyon.

Nauna nang pinamunuan ni Marcoleta ang Blue Ribbon Committee bago ito napalitan ni Sen. Panfilo Lacson noong 2025. Sa kasalukuyan, si Sen. Pia Cayetano ang chairperson ng komite matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado ngayong buwan.

Matatandaang nakapaglabas na ng partial report ang komite sa ilalim ni Lacson, ngunit pitong senador lamang ang lumagda rito, kulang sa siyam na kinakailangan upang maiprisinta ito sa plenaryo ng Senado. (report by Bombo Jai)