Nais ng ilang senador na imbestigahan ang umano’y pagkaantala sa allowance ng mga national athlete matapos ibunyag na may ilang manlalaro umano na walang natatanggap na allowance mula pa noong Hulyo at napipilitang mangutang para lamang makapasok sa training.
Sa kanyang manifestation sa session, sinabi ni Sen. Joel Villanueva na dapat alamin ng Senado kung aktuwal na nakararating sa mga atleta ang suporta mula sa kanilang national sports associations sa oras na kailangan nila ito.
Binanggit ni Villanueva na may P110.437 milyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act para sa paghahanda, training at paglahok ng mga atleta sa international competitions, kabilang ang 2026 Asian Games.
Aniya, dapat hindi nakadepende sa pagkapanalo ng medalya ang pagbibigay ng suporta sa mga atleta.
Sinabi rin ni Villanueva na maaaring masuri ang usapin sa pagdinig ng Senate Committee on Sports sa budget ng Philippine Sports Commission (PSC).
Nagpahayag din ng pagkabahala si Sen. JV Ejercito sa sitwasyon ng Alas Pilipinas at iba pang national athletes.
Kinuwestiyon niya ang mga pagbabago sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF), kabilang ang kasalukuyang liderato nito at ang kawalan umano ng mga atleta sa pamunuan.
Nanawagan si Ejercito na siyasatin ng Senado ang komposisyon ng mga national sports association at kung paano nito pinoprotektahan ang interes ng mga atleta.
Samantala, sinabi ni Sen. Bong Go, chair ng Senate Committee on Sports, na dapat mabigyan ang mga national athlete ng sapat na suporta, malinaw na komunikasyon at maayos na pamamahala.
















