-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng kampo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na inilarawan ang senador bilang “armado at mapanganib,” kasabay ng paglilinaw na walang matibay na batayan ang naturang alegasyon.

Ayon sa abogado ng senador na si Atty. Israelito Torreon, hindi makatwiran ang naturang paglalarawan at hindi ito nakatutulong sa maayos na pagresolba ng mga isyung legal na kinakaharap ng mambabatas.

Giit niya, ang senador ay isang halal na opisyal na kumikilos nang mahinahon at sumusunod sa naaayon sa kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan.

“Buong paggalang ngunit mariin naming tinututulan ang pahayag na siya ay armado at mapanganib,” ayon sa kampo ni Dela Rosa.

Sa panig naman ng NBI, iginiit ng ahensya na bahagi ito ng standard operational protocol sa mga operasyon laban sa mga indibidwal na pinaghahanap ng batas.

Nanawagan din ang kampo ni Dela Rosa sa mga awtoridad na magpakita umano ng pasensya habang hinihintay ang magiging pasya ng Korte Suprema kaugnay ng kanilang inihaing mosyon para baliktarin ang naunang desisyon na tumanggi sa interim relief.

Matatandaang si dela Rosa ay may kinakaharap na warrant mula sa International Criminal Court (ICC) matapos itong tukuyin bilang umano’y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga noong kaniyang administrasyon. 

Umalis ang senador sa Senado noong Mayo 14, ilang oras matapos ang insidente ng putukan sa loob ng gusali, at mula noon ay hindi pa rin natutunton ang kanyang kinaroroonan.