-- Advertisements --

Posible umanong hindi na papansinin ng Supreme Court ang mosyon ng grupo ni Atty. Israelito Torreon ukol sa umuusad na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kung babalikan ay inihain ng grupo ni Torreon ang isang manifestation na humihingi ng Temporary Restraining Order (TRO) at status quo ante order laban sa trial, habang kinukuwestyon ang pagkakahalal ni Sen. Chiz Escudero bilang presiding officer dahil sa umano’y paglabag sa umiiral na batas at panuntunan.

Ayon kay University of the Philippines professor, Atty. Michael Tiu Jr., dati nang hindi nanghihimasok ang Supreme Court sa mga naunang impeachment trial na nangyari sa bansa.

Paliwanag ng abogado, ang bagong manifestation ng grupo ni Torreon ay bahagi o karugtong pa rin ng nauna nilang petisyon na kumukuwestyon sa apat na impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara.

Dahil sa nagsimula na rin ang trial aniya, posibleng hindi na rin ito gaanong papansinin ng SC at hayagan lamang ang pagpapatuloy ng trial.

Naniniwala ang abogado na dahil nagsimula na ang trial at nakapagpresenta na ng mga ebidensiya, tiyak na hindi na ipapabalik ng SC sa dating sitwasyon ang kaso ni VP Sara, taliwas sa hinihinging status quo ante order ng grupo ng mga abogado.