Pinuna ng grupong Kontra Daya ang malaking porsyento ng mga nakapasok na Party-list na umano’y hindi tunay na representasyon ng mga mahihirap.
Batay sa datos na inilabas ng Kontra Daya ukol sa set ng mga party-list groups na nanalo sa katatapos na May 12 elections, 32 sa mga ito ang natukoy na nagmumula sa mga malalaking political dynasty, malalaking negosyo, o kung hindi man ay may connection sa militar at police.
Maliban dito, ang ilan din sa mga nominee ay may pending corruption cases o may kaduda-dudang advocacies habang ang iba ay may limitado o halos walang impormasyon.
Mula sa 54 party-list groups na natukoy ng Commission on Elections bilang May 12 winners, ang 32 sa kanila ang nagrerepresenta sa mga nabanggit na ‘red flag’, batay na rin sa sariling pag-aaral ng Kontra Daya.
Dahil dito, hinimok ni Kontra Daya convenor Dr. Danilo Arao ang publiko na itulak ang 20th Congress para sa tuluyang pagsasabatas sa anti-dynasty law at ang tuluyang pag-amiyenda sa party-list law upang mapagbuti ang party-list representation sa bansa at magawa itong tunay na kumakatawan sa mga marginalized at mga underrepresented.
Giit ni Arao, mistulang na-hijack na ng mga mayayaman at makakapangyarihan ang party-list system, bagay na dapat nang matuldukan.