-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Kontra Daya Convenor Danilo Arao ang pangangailangang maging tapat ang mga kandidato sa lahat ng mga isinusumiteng dokumento, anuman ang kanilang pinapasok o tinatakbuhang posisyon sa pamahalaan.

Ito ay kasunod ng paghahain ng kaniyang grupo ng ilang reklamo laban kay Sen. Rodante Marcoleta dahil sa pagdedeklara ng Senador ng zero contributions sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa kabila ng kaniyang naunang pag-amin na nakatanggap siya ng campaign donations.

Dalawang magkahiwalay na reklamo ang inihain ng naturang grupo: una ay ang paglabag sa ilang probisyon ng Election Law na inihain sa Commission on Elections at ang pangalawa ay ang perjury complaints sa Office of the Ombudsman.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Arao, iginiit niyang tungkulin ng mga tumatakbong kandidato at lahat ng mga opisyal ng gobiyerno na maging bukas, tapat, at walang itinatago lalo na sa mga inilalabas na public documents tulad ng SOCE.

Naniniwala rin ang University of the Philippines – Diliman Professor na ang ginawa ni Marcoleta ay sapat nang dahilan upang matanggal ang isang elected official.

Inihalimbawa nito ang isang kaso na kinasasangkutan ng isang Gobernador kung saan tuluyan siyang natanggal dahil lumagpas ang kaniyang expenses o nagastos sa panahon ng pangangampaniya.

Bagaman wala pa aniyang Senador na natanggal dahil dito, marami na aniyang elected officials na naparusahan dahil sa simpleng pagkakamali o simpleng pagsisinungaling sa kanilang SOCE.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa ng grupo ni Prof. Arao ang paghahain ng kahalintulad na reklamo laban sa iba pang elected officials.

Kabilang dito ang ilang partylist representatives na may paglabag sa ilang election laws nitong nakalipas na 2025 Midterm Elections.

Ang malaking hamon lamang aniya ay ang mataas na gastusin sa paghahain ng kaso. Inihalimbawa ng batikang propesor ang paghahain ng kaso sa Comelec na kadalasang umaabot sa P10,000 ang gastos sa bawat kasong isinasampa.

Kasama ni Prof. Arao sa paghahain ng kaso laban kay Marcoleta sina Advocates of Public Interest Law Alexander Lacson at Atty. Dino de Leon.