Kinumpirma ni Commission on Appointments (CA) chairman at Senate President Vicente Sotto III na natanggap na ng kaniyang opisina ang kopiya ng resolution ng Kalayaan na humihiling para burahin sa record ng komisyon ang “give-up Kalayaan Island Group” remark ni Senador Rodante Marcoleta.
Aniya, sisiyasatin muna niya ang usapin at aalamin ang tamang proseso na dapat sundin kaugnay ng naturang kahilingan.
Matatandaan, hiniling ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan sa CA na burahin sa opisyal na rekord ang pahayag ni Marcoleta na nagmumungkahing dapat nang bitawan ng Pilipinas ang KIG.
Binitawan ng Senador ang kontrobersyal na pahayag sa pagdinig ng CA committee on national defense noong Pebrero 4, subalit iginiit ng Senador na “taken out of context” ang kaniyang naging pahayag.
Mariin namang iginiit ng mga opisyal ng Kalayaan na walang kahit isang pulgada ng kanilang teritoryo ang maaaring isuko, at ang anumang rekord na nagsasaad nito ay isang “historical error” na dapat itama.
Ayon sa resolusyon, ang panawagang “i-give up” ang KIG ay tila pagtataksil sa sakripisyo ng mga residente at pagmamaliit sa katapangan ng mga nakatalaga sa Pag-asa Island at mga karatig na lugar.















