-- Advertisements --

Maaari umano humarap sa permanenteng pagbabawal sa paghawak ng pampublikong posisyon ang isang opisyal ng gobyerno na mapatunayang nag-udyok sa ibang tao na gumawa ng perjury o pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Ayon kay Lacson maaaring ituring na principal sa krimen ang isang taong direktang nanghikayat sa iba na gumawa ng perjury, batay sa mga probisyon ng Revised Penal Code (RPC) tungkol sa conspiracy at mga principal sa krimen.

Ipinunto ng senador ang nakasaad sa Article 8 ng RPC, na may conspiracy kapag dalawa o higit pang tao ang nagkasundo na gumawa ng isang krimen at nagpasiyang isagawa ito.

Samantala, sa Article 17, kabilang sa mga itinuturing na principal ang mga taong “directly force or induce others to commit” ang krimen.

Kasunod nito, iginiit ni Lacson na maaaring sampahan ng reklamo para sa subornation of perjury sina Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Michael Defensor kaugnay ng sinasabing “coached” na testimonya ng dating Marine na si Orly Guteza.

Aniya, batay sa mga rekord ng Senate Blue Ribbon Committee na makikitang pinapangunahan umano ni Marcoleta si Guteza kung ano ang dapat nitong sabihin sa affidavit nito sa pagdinig ng komite noong Setyembre 2025.


Kalaunan, binawi ni Guteza ang una niyang pahayag at inakusahan sina Marcoleta at Defensor na humikayat sa kanya na tumestigo kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.

Ang mga pahayag na ito ay mga alegasyon na kailangang mapatunayan sa kaukulang proseso.

Sinabi ni Lacson na maaaring kabilang sa mga maaaring magsampa ng reklamo ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman, dahil ang perjury ay isang public offense.

Bukod sa posibilidad ng mga kasong kriminal, sinabi rin ni Lacson na balak niyang maghain ng panukalang batas para taasan ang mga parusa at multa para sa subornation of perjury.

Layunin nitong gawing mas mabigat ang pananagutan ng mga taong gumagamit ng kanilang posisyon o impluwensiya upang hikayatin ang iba na magsinungaling sa ilalim ng panunumpa.

Samantala, nakasalalay pa rin sa imbestigasyon at kaukulang proseso kung may sapat na batayan upang sampahan ng kaso ang sinumang iniuugnay sa alegasyon ng subornation of perjury.