-- Advertisements --

Iginiit ng mga lider ng House Committee on Justice na iisang pamantayan ang ginamit nila sa pagtalakay ng impeachment complaints laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Ito’y matapos sabihin ni Quezon City Rep. Bong Suntay na tila magkaiba ang naging batayan ng komite sa pagtukoy ng “sufficiency in substance” ng mga reklamo. Nauna nang ibinasura ang reklamo laban kay Marcos dahil sa kakulangan sa substansiya, habang idineklarang sapat ang dalawang reklamo laban kay Duterte.

Mariing itinanggi ito nina Vice Chair Ysabel Zamora at Chair Gerville Luistro, na nagsabing malinaw na konektado ang mga alegasyon laban kay Duterte sa mga impeachable offenses gaya ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

Samantala, sinabi ng komite na hindi hadlang ang perjury case na isinampa ni Duterte laban kay Ramil Madriaga upang hindi ito maimbitahan bilang testigo. Ayon kay Gabriela Rep. Sarah Elago, sapat na ang mapatunayang kahit isang ground upang umusad ang impeachment.

Binanggit din ni ML Party-List Rep. Leila De Lima na dapat pang paigtingin ang seguridad ni Madriaga matapos umanong makatanggap ito ng banta sa loob ng kulungan. (report by Bombo Jai)