-- Advertisements --

Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) natapos na ang imbestigasyon sa umano’y hindi pagdedeklara ni Senador Rodante Marcoleta ng ilang election donors sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa halalan noong Mayo 2025.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, natapos na ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ang pagsisiyasat at nakahanda na itong maglabas ng resolusyon.

Sa kanyang counter-affidavit, iginiit ni Marcoleta na ang mga donasyon ay ibinigay bago pa siya ideklarang kandidato, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Penera vs. Comelec, na nagsasabing itinuturing lamang na kandidato ang isang aspirant sa unang araw ng campaign period.

Noong Nobyembre 2025, naglabas ang Comelec ng show cause order kaugnay sa umano’y hindi kumpletong pagdedeklara ng donors at sa sinasabing discrepancy sa pagitan ng kanyang SOCE at Statement of Assets, Liabilities and Network (SALN).

Nauna nang inamin ng senador na hindi niya isinama ang ilang kontribusyon dahil humiling ng anonymity ang mga donor

Sa kanyang SOCE, nakasaad na gumastos siya ng P139.9 milyon sa kampanya, mas mataas sa kanyang idineklarang net worth na P51.9 milyon, at nagtala ng zero donations.