Apektado rin ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang mga plebisitong nakatakda sanang isabay sa halalan sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, kabilang dito ang plebisito sa Naga City para sa panukalang gawin itong highly urbanized city, gayundin ang isa pang plebisito sa bahagi ng Alabang.
Dahil dito, makikipag-ugnayan ang poll body sa mga lokal na pamahalaang apektado upang mapag-usapan ang panibagong iskedyul ng mga plebisito.
Partikular na muling kakausapin ng komisyon si Naga City Mayor Leni Robredo upang pag-aralan kung maaaring idaos ang plebisito sa unang bahagi ng susunod na taon.
Matatandaang kinansela na ng COMELEC ang lahat ng aktibidad para sa November 2 BSKE, kabilang ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC)at ang election ban, kasunod ng paglagda sa batas na naglilipat ng halalan sa 2028.
















