Buo ang loob ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na mapabilang sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang kinakaharap ng huli ang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam, nanindigan ang dating Duterte appointee na nais niyang mapasama sa panel upang makatulong sa pagdepensa sa dating pangulo.
Ito rin ang dahilan aniya kung bakit siya nag-apply ng accreditation sa ICC, ilang araw na ang nakakalipas.
Dagdag ng batikang abogado, nais niya ring makapasok at mabisita si Duterte habang nasa kaniyang detention cell sa The Hague at makausap ang dating pangulo ukol sa kaniyang kinakaharap na kaso.
Matapos ihain ang kaniyang aplikasyon, inaasahan ni Atty. Panelo na aabutin ng walong buwan bago maglabas ng desisyon ang ICC ukol sa kaniyang request.
Unang inihain ng kaniyang anak na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., ang kaniyang aplikasyon, kasama ang lahat ng mga kinakailangang dokumento.















