Nakatakda ang hanggang 12 session sa susunod na linggo, para sa confirmation of charges hearing ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Tatagal ng apat na araw ang nakatakdang hearing: Pebrero 23 – 24, at Pebrero 26 – 27.
Sa bawat araw ay tatlong sessyon ang gaganapin: ang unang session sa Feb. 23 ay mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi, oras sa Pilipinas. Susundan ito ng isa pang session mula ala-6:30 hanggang alas-7:30 ng gabi at ang panghuling session ay mula alas-9 hanggang alas-10 ng gabi.
Parehong schedule din ang susundin sa tatlong nalalabing mga araw ng hearing.
Sa confirmation of charges hearing, tutukuyin ng ICC kung may sapat na ebidensiya laban sa dating pangulo sa kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity.
Dito ay iprepresenta ng Prosecution, Defence, at ng Legal Representatives of Victims ang kani-kanilang oral submissions sa mga judge ng ICC para depensahan ang kani-kanilang argumento .
Dating nakatakda noong Setyembre-23 ang naturang hearing ngunit naantala ito dahil sa ilang magkakasunod na petisyong inihain ng kampo ng dating pangulo.















