-- Advertisements --

Ilang araw bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing ni dating Pang. Rodrigo Duterte, libu-libong comments muli ang bumubuhos sa Meta account ng International Criminal Court (ICC).

Sa bawat post ng internationl tribunal, daan-daang Pilipino ang naglalagay ng kumento – marami sa mga naturang kumento ay walang kaugnayan sa ICC posts.

Mapapansin na laman lagi ng mga kumento ang tungkol kay dating Pang. Duterte, tulad ng kaniyang pagkaka-aresto noong nakalipas na taon at tuluyang pagdadala sa The Netherlands, trial ng dating pangulo, at ang iba ay binabalikan ang mga nagawa ng dating pangulo dito sa Pilipinas.

Marami rin sa mga kumento ang nag-aakusa sa ICC: ilan sa mga ito ang nag-aakusang bayad ang international tribunal at mga hukom nito, habang ang iba ay inaakusahan din ang korte ng pangingidnap sa dating pangulo.

Sa kasalukuyan ay nakadetene sa ICC-Detention Centre si dating Pang. Duterte habang nakatakda ang confirmation of charges hearing para sa kaniyang kasong crimes against humanity dahil sa madugong drug war.

Maalalang noong Marso 2025, ilang araw matapos ang unang pagharap ni FPRRD sa ICC, pinutakti rin ng mga mensahge ang LinkedIn atbpang social media accounts ni ICC Pre-Trial Chamber I Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc.

Marami sa mga ito ay naglalaman ng hate speech, pagbabanta, at pamimilit na palayain na ang dating pangulo.

Marso-11 nang maaresto sa Pilipinas ang dating presidente at agad siyang dinala sa The Hague. Mula noon ay nanatili na siya sa detention facility.