-- Advertisements --

Magkakasama muli ang pamilya ng mga drug war victim na papanoorin ang paglabas ng International Criminal Court (ICC) ng desisyon nito ukol sa petisyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukuwestyun sa hurisdiksyon ng international tribunal sa Pilipinas.

Maaalalang isa ito sa mga pangunahing kinukuwestyun ng defense team at itinakda naman ng tribunal ang paglalabas ng desisyon sa April 22.

Ayon kay Atty. Neri Colmenares, ang isa sa mga legal counsel ng pamilya ng mga biktima, hindi na sila bibiyahe patungo sa The Hague, Netherlands dahil sa mahal na gastusin.

Sa halip ay magkakasama na lamang aniyang papanoorin ng pamilya ng mga biktima ang ilalabas na desisyon, na inaasahang papatak ganap na alas-singko ng hapon.

Nananatili aniyang positibo ang mga biktima na tuluyang ibabasura ang petisyon ng defense upang kinalaunan ay itutuloy o sisimulan na ang trial laban sa dating pangulo ng Pilipinas.

Paliwanag pa ng abogado, hindi rin obligado ang pamilya ng mga biktima na dumalo sa court proceedings, tulad ni dating Pangulong Duterte na una na ring nagsabing hindi siya manonood.

Iginit ni Colmenares na malaki ang pondong kakailanganin upang makapunta ang mga pamilya sa The Hague habang limitado lamang aniya ang pondo ng mga ito.

Sa kabila nito, nangako naman ang abogado na magsasagawa ang grupo ng mga drug war victim ng fund drive kung sakaling matuloy ang hearing laban sa dating pangulo upang personal nilang masaksihan ang pagharap ni Duterte sa kaniyang kaso.