-- Advertisements --

Bumuwelta si Mamamayang Liberal (ML) Party List Rep. Leila De Lima sa kampo ng dating Pang. Rodrigo Duterte kasunod ng pagsusumite ng mga ito ng waiver ukol sa hindi pagdalo ng dating pangulo sa nakatakdang confirmation of charges hearing sa kaniyang kasong crimes against humanity.

Ayon kay De Lima, ang waiver at deklarasyon na kaniyang ipinadala ay patunay na siya ay may maayos na pag-iisip, taliwas sa claims ng kaniyang kampo na lumalala na ang kaniyang pagka-ulyanin.

Ito ay kabaliktaran din aniya sa ipinipilit ng defense panel na hindi ‘fit’ para humarap sa pagdinig ang dating pangulo.

Ang naturang pahayag ay taliwas din sa claims ng lead legal counsel na si Nicholas Kaufman na hindi na kaya ng dating pangulo na magbigay ng ‘instructions’ para sa kaniyang depensa.

Tinukoy din ni De Lima ang pagpirma ng dating pangulo sa naturang liham – patunay aniya na naintindihan niya ang nilalaman at ang implikasyon nito.

Nanindigan si De Lima na ang ipinasang liham ay nagsisilbi lamang bilang propaganda ng defense panel at ipinapakita rito ang isang ‘defiant Duterte’ na isa sa mga pangunahing ipinagmamalaki ng kaniyang kampo.

Maliban dito, umaapela rin ito sa emosyon ng kaniyang mga suporter sa pamamagitan ng kaniyang pahayag na tanggap na niyang mamamatay siya sa loob ng kulungan.

Ayon pa sa mambabatas, isa rin itong legal strategy dahil tiyak na walang mabuting maidudulot ang pagharap ni Duterte sa mga ICC judge, dahil kilala ang dating pangulo na biglaang nagagalit saamang lugar, na posibleng hindi aniya makontrol ng kaniyang mga abogado.

Ayon kay De Lima, ang non-appearance ni Duterte sa nakatakdang hearing sa Pebrero ay maituturing na ‘preemptive damage control’. Pamilyar aniya ang abogado sa mga ginawa ng dating pangulo sa Kamara at Senado ng Pilipinas, na nagpapakita ng kaniyang unpredictability

Naniniwala ang mambabatas, na isa sa mga pangunahing kritiko ng dating pangulo, na ang liham ay hindi ginawa ni Duterte dahil kung siya ang gumawa, posibleng ipinagmalaki pa ng dating pangulo ang kaniyang drug war para iligtas ang Pilipinas, at muling igiit na walang nangyaring state-sponsored mass execution, tulad ng lagi niyang ipinagmamalaki dito sa bansa.