Tinawag ni National Union of People’s Lawyers (NUPL) President Efraim Cortez bilang kaduwagan ang hindi pagharap ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa kaniyang confirmation of charges hearing na nakatakda sa Pebrero-23.
Kung babalikan ang naging liham ng dating pangulo sa International Criminal Court (ICC), nakasaad dito na hindi umano niya nais dumalo sa isang legal proceedings na kaniya ring makakalimutan sa loob ng ilang minuto, kasabay ng paggigiit na tanggap na niya ang katotohanang mamamatay siya sa loob ng kulungan.
Ayon naman kay Atty. Cortez, hindi maituturing na ‘act of defiance’ ang hindi pagdalo ng dating pangulo kungdi isang kaduwagan.
Binalikan din ng batikang abogado ang pagkaka-aresto ni Duterte hanggang sa tuluyan siyang madala sa The Hague.
Ang naturang pangyayari aniya, ay naglabas sa tunay na ‘katangian’ ng dating pangulo, kung saan lumalabas na ang Rodrio Duterte na iprinisenta sa ICC noong March 2025 ay isang ‘scared old man’, hindi tulad ng nasasaksihan ng mga Pilipino noong siya pa ang pangulo ng bansa.
Ngayon ay mayroon din siyang opurtunidad aniya na marinig ang lahat ng alegasyon laban sa kaniya at personal na kompruntahin ang mga nag-aakusa sa kaniya, ay saka naman naduwag ang dating pangulo.
Giit ni Cortez, hindi kayang kumpruntahin ng dating pangulo ang mga nag-aakusa sa kaniya, nang walang bodyguard na nakapalibot sa kaniya.
Ang NUPL ang isa sa mga grupong tumutulong sa mga biktima ng drug war, sa kanilang paghahanap ng hustisiya matapos ang madugong kampaniya ng nakalipas na administrasyon. Ilan sa mga ito ang bibiyahe patungong The Hague para sa pagdinig sa kaso ng dating pangulo ng Pilipinas.
















