Hiniling ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na ipasailalim muli sa medical examination ang 81-anyos na dating pangulo upang matukoy kung kaya pa nitong humarap sa paglilitis kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sa isang pitong-pahinang pleading na may petsang Mayo 25, sinabi ng defense counsel na si Peter Haynes na ang naunang medical assessment ay isinagawa pa lamang sa pre-trial stage, kaya’t kinakailangang muling suriin ang kalagayan ng dating pangulo habang papalapit ang pormal na paglilitis.
Iginiit ng depensa na ang korte ay may obligasyong muling suriin ang fitness to stand trial kada 120 araw o kapag may kahilingan ang alinmang panig, upang matiyak ang karapatan ng akusado sa isang makatarungang proseso.
Binigyang-diin pa ni Haynes na maaaring iutos ng korte ang panibagong medical, psychiatric, o psychological evaluation batay sa Rules ng ICC.
Sa isang naunang status conference noong Mayo 27, sinabi ni ICC Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner na iuutos ng korte ang muling pagsusuri sa kalagayan ni Duterte bago magsimula ang trial.
Ayon sa hukuman, maaaring gamitin muli ang mga naunang eksperto na nagsagawa ng pagsusuri sa dating pangulo o magtalaga ng bagong panel ng mga medical expert, depende sa magiging desisyon ng korte.
















