-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang buong kooperasyon sa bagong tatag na Extra-Judicial Killings (EJK) Truth Commission.

Layunin ng komisyon na idokumento ang mga pagpatay at pang-aabuso sa ilalim ng madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag ngayong Biyernes, Mayo 29, sinabi ni PNP Chief Gen. Melencio Nartatez Jr. na malugod nilang tinatanggap ang anumang independent initiatives na naglalayong maghatid ng kalinawan at paghilom sa bansa.

Binigyang-diin niya na sinusuportahan ng pambansang pulisya ang paghahanap ng katotohanan, at makikipagtulungan sila sa komisyon alinsunod sa mga legal na protokol.

Binuo ang naturang komisyon ng mga lider ng civil society at may buong suporta mula sa Simbahang Katolika.

Ayon kay Cardinal Pablo Virgilio David, na magsisilbing tagapayo ng lupon, ang hakbang na ito ay isang pagkakataon para sa catharsis o paglilinis upang mapanumbalik ang dignidad ng bansa.

Inihayag naman ni dating International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan, ang tagapangulo ng komisyon, na pangunahing layunin nilang pakinggan ang kuwento ng mga biktima at kilalanin ang kanilang pangunahing pagkatao at mga pinagdaanan.

Samantala, tiniyak ni Gen. Nartatez na sa ilalim ng bagong pamunuan ng PNP, ipagpapatuloy ng kapulisan ang mga reporma sa pagsasagawa ng anti-drug operations. Nanatili rin silang nakatuon sa pagtataguyod ng transparency, hustisya, at pananagutan sa institusyon.