-- Advertisements --

Inaasahang muling susuriin ng International Criminal Court (ICC) ang applikasyon ng mga biktima ng madugong drug war na nagnanais makibahagi sa trial laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte.

Ito ay kasunod ng tuluyang pagkumpirma ng international tribunal sa kaso ng dating pangulo – daan upang tumuloy na sa paglilitis.

Ayon sa ICC, ilalabas nito ang bagong deadline para sa paghahain ng mga kaanak ng biktima ng kanilang applikasyon habang nasa trial stage na ang kaso.

Ang mga applikasyon na hindi nakapasok sa ‘scope’ o saklaw ng naturang kaso ay isusumite sa Trial Chamber para sa panibagong pagsusuri.

Una nang inotorisa ng ICC Pre-Trial Chamber I ang hanggang 539 na biktima na makibahagi sa nakatakdang paglilitis.

Gayonpaman, nauna nang nilinaw ng korte na hindi nito ibig sabihin na tetestigo ang mga biktima sa gugulong na paglilitis laban sa dating lider ng Pilipinas.

Inaasahan na ring bubuuin ang Trial Chamber na lilitis sa kaso ng dating pangulo sa lalong madaling panahon.