-- Advertisements --

Marami rin umanong mga pulis ang nagnanais magkuwento ukol sa kanilang karanasan sa madugong drug war noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa bagong-tatag na EJK Truth Commission.

Paliwanag ni EJK Truth Commission Executive Director Carlos Conde, bago pa naitatag ang independent body ay may mga pulis nang nagpahayag ng kanilang kahandaan at pagnanais na makapag-kuwento sa kanilang malagim na karanasan.

Hindi rin kasi aniya maiiwasan noon na basta na lamang sundin ng mga pulis ang kautusan ng national headquarters kahit ito ay labag sa kanilang kalooban.

Wala din aniyang pagkakataon ang mga pulis noon na magsalita o magreklamo laban sa sistema at organisasyon na kanila mismong kinabibilangan, dahil mahigpit na pagsunod sa ‘chain of command’.

Ayon kay Conde, nais ng Truth Commission na maging venue para mailabas ng mga pulis ang kanilang karanasan at trauma sa madugong mga operasyon, at ang naging epekto nito sa kanilang buong pagkatao.

Nais din ng grupo na maintindihan kung ano ang umiikot sa isipan ng mga pulis noong mga panahong nagsasagawa sila ng mga operasyon na nagresulta sa libo-libong pagkamatay. Ito ang dahilan aniya kung bakit may mga ekspertong kasama sa naturang grupo.

Nangako rin ang grupo na maproprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga pulis, at hindi makaka-apekto sa kanilang patuloy na pagsisilbi.

Lahat ng ito, ayon kay Conde, ay idodokumento ng Truth Commission, kasama ang salaysay at kuwento ng mga biktima ng madugong kampaniya laban sa iligal na droga.